In my years of trying hard to hone my skills in writing, I always come up with the difficulty in sustaining my interest and concentration in writing full length stories. I usually end up to 10 pages and my focus and ideas are fully drained. It is for this reason that I attempt to use this blog as a venue to write a rather long story. I intend to make it a story with a weekly installment of the parts. I am just hoping this goes well. This time however, I will try to alternate the language between Filipino and English.
The Arms That Hold Me
Maalinsangan ang gabi na nagtataboy sa tuluyang pagkaliyo sa tawag ng antok, idagdag mo pa diyan ang huni ng mga lamok na manaka-naka pang pumapasok sa butas ng tainga na lubusang nakakapagpairita sa akin. Siguro ay matagal na nga akong nakalimot sa ganitong uri ng pamumuhay- o nasanay nga ba ako simula pa lamang? Makailang ulit nga ba akong nakapamundok. Isa? o dalawang ulit nga lamang kaya paano nga ba akong masasanay sa isang uri ng pamumuhay na hindi ko nais danasin. Pinili ko ang marangyang bahagi ng pakikibaka sa problema ng lipunan- ang manirahan sa lunsod at maging advocate na lamang. Hindi ako nadadarang sa tawag ng armadong pakikibaka sapagkat naniniwala pa din ako na sa mga namumuno sa ating lipunan ay may marami pa din ang nagsasa-alang alang sa kapakanan ng nakararami.
Hindi ko maintindihan kung ano ang aking ginagawa dito ngayon. Pinipilit ko bang damdamin ang karanasan ng isang rebelde ng sa ganun ay makatotohanan kong makita mula sa kanilang perspektiba and mga bagay-bagay o nais ko lamang makagawa ng paraan upang maibangon kong muli ang aking nasugatang dangal? Kung tutuusin bakit ko naman tutuligsain ang mga kurakot sa lipunan o iyong mga rebeldeng naniniwala sa marahas na paraan? Bakit ko sila susumbatan ng pagiging ganid at makasarili gayong maaring ang rason ko sa aking mga ginagawa ay purong pansarili lang din?
Nandito ako ngayon sa bundok kasama ng ilan sa aking mga kaibigan na naniniwala din sa aking hangarin. Magtatatlong araw na kami dito at pilit na isinasabuhay ang pamumuhay ng mga rebelde upang sa ganun ay maging makatotohanan ang aming dalumat sa mga bagay-bagay. Natatakot kami sa tinatawag nilang immersion kung saan makikipamuhay ka talaga sa kanila. Mukhang kahit matindi ang naisin naming maintindihan sila ay hindi yata namin kayang isugal ang aming kaligtasan. Madami ang nababawan sa paraan naming ito pero naniniwala kami na and pamumuhay sa bundok ay isa ding kultura at upang higit na maintindihan ang pananaw ng isang pangkat ay marapat lamang na nakukuha mo ito sa kontexto ng kanilang kultura.
Kasama ang maalinsangang mga gabi at mga lamok sa kulturang nais naming intindihin at katulad ng ibang nais umintindi sa mga ganitong uri ng pamumuhay, umakyat lang kaming ang dala namin ay kaonting gamit at ang aming mga sarili. Naisip ko makailang ulit kung ano nga ba ang aking mahihita sa aking ginagawa- sinantabi ko muna ang aking tunay na trabaho upang mabigyan ng pansin ang bagay na ito- kapalit ng ano? Marahil ay wala ngang kapalit ngunit ang usig ng nasugatang dangal ang malakas nagtutulak sa akin upang gawin ito.
Bago mag bukang liwayway ay halos gising na kaming lahat upang maghanda ng aming almusal. Naupo ako sa taas ng maburol na bahagi at tinitigan ang papasikat na araw- kahit saang sulok ka naman manirahan at kahit anong uri ng pamumuhay ay may mga mumunting mga silip ang paraiso na nakakabagbag sa lahat ng mga alinlangan at suliranin. Tulad din ng marami, marahil ay nalimot ko na ding tignan ang mga silip ng paraiso na ito at nagpatinuod na lang ako sa agos ng mga pighati at lungkot ng buhay. Ngayong kami lang ng araw ang magkaharap, umusal ako ng panalangin.
Ilang taon na din ang nakaraan ngunit kailangan ko pa din pala ng panalangin upang magawa kong magpatuloy sa buong araw. Ang panalangin ang tangi kong nakakapitan upang magawa kong ihiwalay ang aking sarili mula sa demonyo ng aking nasugatang dangal na matagal ng sumusigaw ng katarungan. Bakit nga ba sugatan ang aking dangal- anong uri akong tao upang hindi makapuhap ng pagpapatawad? Ngunit mas malaks ang usig ng aking konsensiya sa aking pagtataksil na gagawin- pagtaksil sa ngalan lamang ng personal na kagustuhang malunasan ang paghihiganti?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento