Para sa isang musmos, mistulang isang biyaya ang pagkakaroon ng mga karangalan habang ikaw ay nag-aaral pa. Sa iyong pagtanda at pagkatapos ng ilang taon mula sa pag-aaral, mararamdaman mong ang mga ito'y kalakip palang bigat. Minsan ito ang nagtutulak sa atin para magtagumpay ngunit may mga pagkakataon ding ito ang nagiging paala-ala sa ating mga kabiguan.
Kung iyong aaalalahanin kung sino ang naging first honor noong nagtapos kayo noong elementarya o di kaya ay noong secondarya, ang malimit na tanong ay " Saan na kaya siya?', "Ano na kaya siya ngayon?". Iisiping kadalasan na maaring sila ay nagtagumapay sa kanilang buhay at karera sapagkat noong kayo ay mga mag-aaral pa lamang ay sila na ang tinitingala. Ngunit ganoon nga ba ang nangyayari?
Nagmula ako sa maliit na pamayanan kung saan ang mga nagiging kamag-aral mo sa elementarya ay siya ding magiging kamag-aral mo hanggang secondarya. Kilala ninyo ang bawat isa at maaring hanggang kolehiyo ay alam niyo pa din ang balita sa isa't-isa. Kung titignan ko lahat ang mga naging first honor mula sa aking maliit na paaralan, maari kong sabihin na sa kanilang mga klase, hindi sila ang naging pinakatagumpay.
Mula sa punto de bista ng isang ordinaryong kamag-aral maaring nakakainggit naman ang first honor na ito sapagkat sila ang mga may pagkakataong bigyan ng katupan ang pangarap sa mas malalaki at kilalang mga unibersidad. Maaring gamiting puhunan ang pagiging first honor para makapasok sa mas magagandang mga paaralan. Ngunit paano kaya ang sa punto de bista ng isang first honor? Hindi kaya masyadong mabigat kasi inaasahan nilang lahat na ikaw ay magtatagumpay? Ano kaya ang kahihinatnan kapag nasa loob ka na ng kilalang unibersidad kung saan ang galing mo at talino ay sa ordinaryo lamang? Ang mga first honor ay hindi sanay na bumabagsak kaya ano kayang bigat ng kabiguan ang tatama sa kanila sakaling ito ay kanilang mapagdaanan?
May mga kilala akong mga tao na ordinaryo lamang noong makatapos noong secondarya ngunit matatagumpay na ngayon. Ang ilan sa kanila ay karaniwang pakutyang linya ang "Nasaan na ba yung mga honor noon?". Mistulang may pagkaka utang o pagkakasala ang first honor noon sa kanila? Kasalanan ba nila kung ninais na lamang nilang mamuhay ng payak at tahakin ang mas simpleng buhay? Ngunit ang hirap ipaliwanag na ang bawat tao ay may kanya-kanyang sukatan ng tagumpay. Kahit mga first honor ay tao lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento